Makikipag-ugnayan na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga Local Government Unit (LGU) para sa ilalabas na mga ordinansang mag-re-regulate sa posibleng pagbabalik ng mga provincial bus sa Edsa.
Tinatayang 4,000 provincial buses ang posibleng magbalik-Edsa sa oras na mag-operate muli ang mga ito.
Ayon kay MMDA Chairman Benjamin Abalos, plano niyang makipag-pulong sa mga alkalde ng Pasay, Caloocan, Makati, Mandaluyong, San Juan at Quezon cities upang tulungan ang mga ito sa pag-ma-manage ng provincial buses sakaling magbabalik operasyon.
Binago anya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga ruta ng mga bus upang magbigay-daan sa bus carousel, lalo’t mayroong 85 bus stations sa Metro Manila, kabilang ang 37 sa Edsa.
Gayunman, isang bus company ang nagreklamo at nabigyan ng temporary restraining order ng korte at nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay naglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) upang magamit ang mga terminal bilang pagtalima sa health protocols.
Sakali anyang bawiin ang resolusyon, maaari nang ipatupad ang T.R.O. na magpapahintulot naman sa pagbabalik ng nasa apatnalibong provincial buses sa Edsa.