Malamig ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panukalang dagdagan ang yellow bus lane.
Ito ay matapos namang gumawa ng petisyon online ang isang Daniel Ramos Jr., at iminumungkahing gawing tatlo ang lane na nakatalaga para sa mga bus sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay Ramos, mas mahihimok ang publiko na sumakay ng mga pampasaherong bus kung madaragdagan ang mga bus lanes at mababawasan na rin ang mga pribadong sasakyan sa EDSA.
Binigyang diin din nito na ang pangunahing nagiging dahilan ng mabigat na trapiko sa EDSA ang mga pribadong sasakyan.
Gayunman, iginiit ni EDSA Traffic Czar Bong Nebrija na mas magdudulot ng masikip na daloy ng mga sasakyan kung gagawing tatlo ang lane para sa mga bus dahil sa mga hindi disiplinadong driver.
Kung pagbibigyan aniya ang mga bus para sa ikatlong lane, malaki ang posibilidad na sakupin din nito ang ika-apat at ika-limang lane sa EDSA.