Nais ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang motorcycle taxis sa mga pangunahing kalsada sakaling maging legal na ang operasyon nito.
Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, kung ang tricycle na tatlo ang gulong ay bawal sa national road, mas dapat na ipagbawal din ang motorcycle taxis para na rin sa kaligtasan ng pasahero at ng driver nito.
Umapela si Garcia sa mga mambabatas at sa Technical Working Group na isama sa batas ang pagbabawal sa mga motorcycle taxi sa circumferential at radial roads dahil mas safe sa kanila ang inner roads.
Ibig sabihin, hindi makakadaan ang mga motorcycle taxi sa C-1 hanggang C-6 at R-1 hanggang R-10 roads kung saan kabilang ang bahagi ng Edsa, Commonwealth Avenue, at Roxas Blvd.