Asahan na ang malalang lagay ng trapiko ngayong sumapit na ang ‘ber’ months.
Ito ang babala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista kaugnay ng mga gagawing pagkukumpuni sa ilang mga tulay sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA-Special Operations Task Force Commander Bong Nebrija, inaasahan ang pagbigat pang lalo ng trapiko sa mga kaliwa’t kanang Christmas sale na sasabayan pa ng pagsasara ng lumang Sta. Mesa bridge sa Maynila at Estrella Pantaleon Bridge sa Makati City ngayong buwan.
Batay sa abiso ng contractor ng Sta. Mesa bridge, gigibain ang naturang tulay para bigyang daan ang mga barge na magdadala ng mga materyales para sa konstruksyon ng skyway project.
Matapos nito ay muling itatayong muli ang Sta. Mesa Bridge na inaasahang tatagal ng hanggang pitong (7) buwan.
Samantala, ang Estrella Pantaleon Bridge naman ay nakatakda ring kumpunihin ngayong buwan kung saan nasa 100,000 na mga motorista ang tinatayang direktang maapektuhan.
Kaya’t paki-usap ng MMDA ay kooperasyon ng publiko.
Ang Sta. Mesa Bridge ay nagdudugtong sa San Juan City at Quezon City habang ang Estrella Pantaleon Bridge ay kumokonekta sa Mandaluyong City at Makati City.