Nagsagawa ng clearing operations ang MMDA sa mga daan patungo sa dalawang sementeryo sa Caloocan at Malabon, isang linggo bago ang paggunita sa araw ng mga patay.
Nilinis at inayos ng mga tauhan ng MMDA ang mga daan patungong Tugatog Public Cemetery sa Malabon at Sangandaan Cemetery sa Caloocan.
Kaugnay nito, tiniyak ni MMDA Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija na imo-monitor nila ang mga sementeryo araw araw hanggang Undas para masigurong libre ang mga ito sa illegal parking at illegal vendors.
Ipinabatid ni Nebrija na ilang motorista ang pinagmulta ng 1,000 piso dahil sa illegal parking samantalang itinow nila ang sasakyan ng Caloocan City Disaster Risk Reduction Office na nag park sa no parking sign katabi ng Sangandaan Cemetery.
Bukod sa mga sementeryo, iinspeksyunin din ng MMDA ang mga bus terminal at itutuloy ang road clearing operations kahit tapos na ang holiday para ma-assist ang mga pabalik naman ng Metro Manila mula sa mga lalawigan.