Nagpalabas na ng traffic rerouting plan ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para sa ASEAN Summit ngayong Linggo.
Ayon sa MMDA, magpapatupad sila ng stop and go scheme sa panahon ng summit dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Metro Manila partikular malapit sa mga venue ng summit sa Pasay, Manila at Makati.
Ipinabatid ng MMDA ang pagpapatupad ng 30 minute lockdown sa mga sasakyan ng summit participants papasok ng Skyway Exit.
Samantala, lahat ng mga sasakyang lalabas ng Paseo De Roxas Street patungong Arnaiz Avenue ay kailangang kumanan sa Benavidez Street at kanan muli sa Trasierra Street bago kumaliwa sa Gamboa Street.
Mula naman sa Gamboa Street, ang mga sasakyan ay kakanan sa Rufino Street dire-diretso sa Don Chino Roces Avenue at Javbier Street o uubrang mag U-turn patungong Amorsolo at Rufino Streets at kumanan muli sa Fernando Street.
Sakali namang bumigat ang trapiko sa Esperanza Street sa lockdown, sinabi ng MMDA na ang mga sasakyan ay pu-puwedeng dumaan sa Paseo De Roxas Street at kumanan sa Ayala Avenue at lumabas pa EDSA.
Tinukoy naman ng MMDA ang mga alternatibong ruta para sa mga sasakyang dadaan sa Roxas Blvd. habang idinadaos ang summit simula Miyerkules hanggang sa Sabado.
Sa Northbound mula Roxas Blvd., ang mga sasakyan ay kakanan patungong EDSA, Arnaiz o Bunedia bago kumaliwa sa Taft Avenue at kaliwa ulit sa United Nations Avenues o Finance Road patungo sa mga destinasyon.
Sa Southbound naman, ang mga sasakyan mula sa Roxas Blvd. ay kailangang kumaliwa patungong P. Burgos, Kalaw o United Nations Avenue at kumanan sa Taft Avenue, kanan sa Buendia Avenue o EDSA bago kumaliwa pa Roxas Boulevard patungong destinasyon.
Ipinabatid ng MMDA na rerouted din ang trapiko sa EDSA Extension patungong SM Mall of Asia.
By Judith Larino