Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang clearing operations na kanilang ginagawa ay para sa buong kamaynilaan.
Sa panayam ng DWIZ sinabi ni MMDA chairperson Atty. Romando Artes na tanging ang tinututukan muna sa ngayon ang Mabuhay Lanes at mga alternatibong ruta para maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
Dagdag pa ni Artes, pansamantalang nagsasagawa ng repair operation ang mga tauhan ng MMDA sa Edsa Kamuning dahilan kaya mabagal ang daloy ng trapiko.
Iginiit ni Artes na sa ngayon, tanging ang mga maliliit na sasakyan at mga bus lamang ang maaaring makadaan sa nasabing lugar habang ang iba naman ay binigyan ng pansamantalang alternatibong ruta.
Ayon kay Artes, sinisilip din ng kanilang ahensya ang mga sasakyan na iligal na nakaparada sa ilang mga kalsada sa Metro Manila kung saan, kanilang hinihintay o nagbibigay muna sila ng limang minuto na makarating ang mga may-ari bago tuluyang i-tow ang mga ito.