Pansamantalang itinalaga bilang Officer-in-Charge ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA si Assistant General Manager Emerson Carlos.
Ito’y kasunod na rin ng pagbibitiw sa pwesto ni Chairman Francis Tolentino matapos masangkot sa iba’t ibang kontrobersiya tulad ng ‘twerking scandal’.
Sinasabing bago ibinaba ni Tolentino ang kanyang resignation ay nagpalabas na ito ng memorandum na nagtatalaga kay Carlos bilang OIC.
Ang kautusan ni Tolentino ay epektibo noon pang Oktubre 1 subalit kahapon lamang ito natanggap ni Carlos.
Nangako naman si Carlos na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang programa ni Tolentino.
Nakipagpulong na rin si Carlos kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez para talakayin ang paghahanda para sa APEC Summit sa susunod na buwan.
Bistek sa MMDA
Samantala, umugong ang mga haka-haka na si Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista ang napiling kapalit ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa nabakanteng puwesto sa senatoriables ng Liberal Party (LP).
Ito ay matapos na kumpirmahin ni Bautista na nakipag-usap ito nitong Miyerkules kay Executive Secretary paquito Ochoa Jr. para pag-usapan ang kanyang posibleng pagpalaot sa senatorial elections.
Naman idinetalye ni Bautista ang kanilang naging pag-uusap bagkus sinabi nito na pinag-iisipan pa niya kung tatanggapin ang alok at iiwan ang mayoralty race sa lungsod Quezon kung saan meron pa itong isang termino bilang alkalde.
Nitong Miyerkules din ay humingi ng paumanhin si Tolentino sa kanyang pagkakasangkot sa isyu ng “playgirls” at kara-karakang hiniling sa LP na alisin siya sa senatorial slate ng nasabing partido.
Ilang oras matapos ang kanyang paghingi ng paumanhin ay nag-resign na rin ito bilang MMDA Chief.
By Jelbert Perdez | Mariboy Ysibido