Aabutin ng hanggang bukas, Huwebes ang paghahakot ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng basura sa mga pangunahing sementeryo.
Ayon ito kay MMDA General Manager Tom Orbos matapos una nang humakot ng 20 truck ang ahensya sa ilang malaking sementeryo kahapon na karaniwan ay mga pinagkainan at mga ipinambalot sa mga pagkain.
Sinabi ni Orbos na posibleng abutin ng halos 100 truck ng basura ang mahakot nila hanggang bukas o dalawang araw matapos ang paggunita sa Araw ng mga Patay.
Kasabay nito, nagpapasalamat si Orbos sa tulong ng ilang grupo na maagang namahagi ng mga lalagyan ng basura para maibukod ang mga nabubulok at hindi nabubulok pati na ang mga nakolektang uubra pang ma-recycle.
By Judith Larino