Tuloy-tuloy pa rin ang paghahandang ginagawa ng Metropolitan Manila Development Authority hinggil sa magiging epekto ng El Niño sa bansa.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, ay nakabuo na ng Task Force ang lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila para sa El Niño.
Sa ngayon ay kinukumpleto na aniya ng mga LGU ang kanilang mga rekomendasyon upang ilatag sa susunod na pagpupulong bago matapos ang buwan.
Anuman umano ang mapagkasunduan sa gagawing pulong ay ang paiiralin nilang polisiya sa Hunyo na siyang buwan ng pagtama ng El Nino at posibleng tumagal hanggang sa 1st quarter ng 2024.
Kasama rin sa babantayan ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council ang posibleng kakapusan sa suplay ng tubig at mga sakit na pwedeng makuha sa El Niño tulad ng dengue.
Mas pinaiigting din nila ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya kabilang dito ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System para sa monitoring ng suplay ng tubig at nanawagan din ang opisyal sa publiko na magtipid sa pag-konsumo ng tubig.