Handa ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority sa inaasahang exodus ng mga taong uuwi sa lalawigan para gunitain ang Undas ngayong araw na ito.
Ayon kay Atty. Emerson Carlos, officer in charge ng MMDA, kabilang sa ginawa nilang paghahanda ang pagsuspindi sa number coding ngayong araw na ito.
Umapela si Carlos sa mga uuwi ng lalawigan ng hindi na papasok ngayon sa opisina na agahan ang pag-alis ng bahay upang hindi na makipagsabayan sa rush hour.
Maliban sa pagsasaayos sa daloy ng trapiko, una nang inilunsad ng MMDA ang clean up drive sa mga sementeryo bilang bahagi ng kanilang Oplan Kaluluwa.
Kaugnay nito, mas tinututukan ng MMDA ang paglilinis sa mga sementeryo at pagbabantay sa mga terminal.
Ayon kay Carlos, sa darating na Nobyembre 2 ay bubuksan na ng MMDA ang mga tinatawag na ‘Christmas lanes’ o ‘alternate routes’ dahil naman sa nalalapit na Kapaskuhan.
Pinayuhan naman ni Carlos ang publiko na pagplanuhan nang mabuti ang kanilang bakasyon o biyahe upang makaiwas sa abala dulot ng masikip na daloy ng trapiko.
“Unang-una Friday weekend , pangalawa pay day din po ngayon, pangatlo exodus nga papuntang probinsiya eh sa EDSA po marami pong terminal ng mga bus na papunta ng probinsiya ngayong araw na ito, and then sa hiling na din po ng ating mga kababayan para po makauwi sila, lifted po ang number coding ngayong araw na ito.” Pahayag ni Carlos.
By Len Aguirre | Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit