Sinimulan na ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang paglilinis sa mga sementeryo para sa paggunita sa araw ng mga patay sa Nobyembre 1.
Nagtalaga na ang MMDA ng halos 3,000 tauhan nito para sa Oplan Undas mula Oktubre 27 hangggang Nobyembre 2.
Kabilang sa mga lilinisin ng MMDA ay mga pangunahing sementeryo tulad ng North at La Loma Cemeteries sa Caloocan City; Makati South Cemetery; Mandaluyong Cemetery; Soldier Hills Cemetery; San Juan Cemetery at; Hagonoy Municipal Cemetery sa Taguig City.
Ipinabatid ni MMDA Chairman Danilo Lim na magtatayo sila ng public assistance centers at ihahanda na ang mga ambulansya sa Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina City at San Juan Public Cemetery.
Nagpakalat na din ang MMDA ng mga miyembro ng reckless driving enforcement team, anti-jaywalking unit at sidewalk clearing operations group sa mga bus terminal tulad ng Araneta Center, Cubao, Edsa, Pasay Taft, Sampaloc, Dangwa at Mindanao Avenue.
Kasabay nito, muling iginiit ni Lim ang No Day Off, No Absent policy sa kanilang mga tauhan sa loob ng anim na araw para sa Oplan Undas.