Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkakaroon din ng sapat na pampublikong transportasyon sa mga susunod na araw para sa mga manggagawang papasok sa kanilang trabaho.
Ito’y matapos makita ang sitwasyon ng maraming magbabalik-trabaho sa unang araw ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila kung saan limitado lamang ang maaaring sakyan.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, marami sa mga commuter ang naghintay ng mahabang oras sa ilang lugar gaya sa Commonwealth Avenue sa Quezon City dahil sa kakulangan ng masasakyan.
Dahil aniya rito ay sinisimulan nang tugunan ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kailangan aniyang kumilos ng ahensya para matiyak na hindi na mauulit ang senaryo kahapon ng umaga at may masasakyan na ang mga commuter papasok ng kanilang trabaho.