Patuloy sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Paeng sa Maguindanao, Antique, at iba pang lugar sa bansa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa lahat ng ahensya ng gobyerno, na gawing prayoridad ang pagdadala ng suplay ng pagkain at malinis na inuming tubig sa mga nasalanta ng bagyo sa mga nabanggit na lalawigan.
Ayon kay MMDA acting chairman Romando Artes, walang tigil ang ginagawang relief operation ng kanilang mga tauhan sa mga nabanggit na lugar para matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng nasalanta ng Bagyong Paeng.
Sa datos ng ahensya, pumalo na sa 1,992 na pamilya ang nakatanggap o nabigyan ng malinis na inuming tubig mula sa 25,260 gallons na inilabas ng Portable Water Purification System na kanilang ipinadala sa mga barangay sa probinsya.
Nabatid na ang Portable Water Purification System ay kayang makagawa ng aabot sa 180 gallons ng tubig kada oras, para solusyonan ang problema sa maiinom na malinis na tubig ng mga residente.