Tiniyak ng Metro Manila Development Authority o MMDA na iikutan nila ang mga lugar na matagal humupa ang baha.
Tugon ito ni MMDA General Manager Jojo Garcia matapos magdeklara ng leptospirosis outbreak ang Department of Health o DOH sa ilang mga lugar sa Metro Manila.
Ayon kay Garcia, mabilis na nilang napapahupa ang mga pagbaha sa mga lugar na mayroong pumping stations.
Gayunman, nagkakaproblema aniya sa mga lugar na walang pumping stations dahil sa mga drainage na barado ng basura.
Kabilang sa mga lugar na deklaradong may outbreak ng leptospirosis ang walong barangay sa Quezon City, apat na barangay sa Taguig, isa sa Pasig City, dalawa sa Parañaque City, at tig-isang barangay sa Navotas, Mandaluyong at Malabon.
Ang leptosporisis ay isang bacterial infection na nakukuha kapag nababad sa tubig na kontaminado ng ihi ng daga, aso, baboy at kambing ang isang bahagi ng katawang mayroong sugat o gasgas.
“Ipapa-survey ko muna kung bakit may leptospirosis diyan hanggang ngayon, ibig sabihin may tubig pa ba diyan? Eh matagal na pong walang ulan, kasi minsan nangyayari, I don’t want to prejudge may mga kababayan tayo na nakatira malapit sa estero, so diyan po naglalakad ang mga bata sa mga estero na puno ng basura.” Ani Garcia
Inamin ni Garcia na hindi na masosolusyonan pa ang mga pagbaha dahil below sea level ang Metro Manila.
Marami anyang lugar ang nagsisilbing catch basin dahil nasa pinakamababa silang lugar sa Metro Manila.
“Kahit sa first world country halimbawa sa Amerika kapag umulan nang malakas ultimong mga freeway nila, mga high-tech na high-way nababaha po ‘yan pero in 30 minutes nawawala ang tubig, so ‘yan po ang mga targets natin, ngayon ang pinaka-challenge namin kaya minsan tumatagal na hindi nawawala ang tubig ay ang mga basura, kasi napakadami talagang basura so ang mga pumping stations naming kailangang patayin ‘yan kasi nagbabara po ang mga basura.” Pahayag ni Garcia
(Ratsada Balita Interview)