Umaasa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maibababa na sa general community quarantine (GCQ) ang quarantine status sa national capital region (NCR) na kasalukuyan ngayong nasa MECQ.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, na kapag nagpatuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa NCR, tiyak na maari nang ilagay sa GCQ ang NCR.
Sinabi ni Abalos, na bumagal na ang growth rate ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila na umaabot na lamang ngayon sa 5% simula March 31 hanggang April 17, na mula sa dating 164% noong February 28 hanggang March 7.
Pahayag pa ng MMDA chairman, na karamihan din sa mga lokal na pamahalaan sa NCR ay nakapagtala na ng pagbaba ng COVID-19 cases sa kani-kanilang mga lugar.
Sa nakalipas aniya na pitong araw o isang linggo, patuloy nang bumababa ang kaso ng virus sa metro manila at umaasa aniya siya na luluwag o made-decongest na ang mga ospital sa NCR.