Bahagi ng magiging kita ng 2019 Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Picture na ‘Mindanao’ ang ido-donate sa isang foundation.
Ito ang kinumpirma mismo ng bida sa nabanggit na pelikula na si Judy Ann “Juday” Santos.
Batay sa Instagram post ni Juday, kanyang sinabi na ang kanilang pelikulang ‘Mindanao’ ay isang “movie with a cause”.
Aniya, ipagkakaloob nila sa Kythe Foundation ang bahagi ng kabuuang kita ng pelikulang ‘Mindanao’.
Ang Kythe Foundation ay isang nonprofit organization na nagbibigay ng tulong sa mga batang may sakit na cancer at iba pang chronic o hindi na gumagaling na sakit.
Magugunitang humakot ng award ang pelikulang ‘Mindanao’ sa MMFF 2019 Gabi ng Parangal na ginanap noong December 27.
Kabilang sa mga nasungkit nito ang apat na pangunahing award tulad ng Best Picture, Best Actress para kay Judy Ann, Best Actor para kay Allen Dizon at Best Director para kay Brillante Mendoza.
Una na ring nakakuha ng pagkilala ang ‘Mindanao’ sa ibang bansa matapos manalo bilang Best Director si Mendoza at Best Actress si Judy Ann sa Cairo International Film Festival.