Walang plano si MNLF Chairman Nur Misuari na lumantad mula sa pagtatago sa pamahalaan.
Sa kabila ito ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na aatasan niya ang awtoridad na huwag arestuhin si Misuari.
Ayon kay Atty. Emmanuel Fontanilla, Spokesman ng MNLF, hindi naman puwedeng iutos lamang ito ng Pangulo sa awtoridad dahil prosesong pang-hudikatura ang isyung ito.
Ang kailangan aniya ay magtrabaho ang Department of Justice upang maiatras na ang warrant of arrest laban kay Misuari.
Bahagi ng pahayag ni MNLF Spokesman Atty. Emmanuel Fontanilla
‘Ransom for the Norwegian hostage’
Samantala, kumbinsido ang MNLF o Moro National Liberation Front na mayroong ibinayad na 30 milyong piso para sa paglaya ng Norwegian national na bihag ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Atty. Emmanuel Fontanilla, Spokesman ng MNLF, ito ang nakuha nilang impormasyon mula sa kanilang mga tauhan.
Kasabay nito, nilinaw ni Fontanilla na ang tanging naging papel ng MNLF sa paglaya ni Kjartan Sekkingstad ay ang pag-custody dito bago sunduin ng mga tauhan ng gobyerno.
Bahagi ng pahayag ni MNLF Spokesman Atty. Emmanuel Fontanilla
AFP
Naniniwala naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na epekto ng maigting na operasyon ng militar laban sa Abu Sayyaf kaya pinalaya ang apat sa mga dayuhang bihag ng mga bandido.
Reaksyon ito ni Col. Edgard Arevalo, hepe ng AFP Public Affairs Office sa report na may nagbayad ng 30 milyong pisong ransom money para sa pagpapalaya sa mga bihag.
Ayon kay Arevalo, nagbubunga na ang matinding pressure ng militar sa Abu Sayyaf kayat unti-unti na silang nagbabawas ng mga bihag na nakakaapekto sa kanilang pagtakas mula sa mga humahabol na sundalo.
Binigyang diin ni Arevalo na mas nagiging kumplikado ang pagsugpo sa Abu Sayyaf kung may magbabayad ng ransom money dahil pera ang dahilan kayat lumalakas at lumalaki ang kanilang grupo.
Una nang pinalaya ng Abu Sayyaf ang 3 Indonesian nationals at si Kjartan Sekkingstad, ang Norwegian national na dinukot noong September 2015 kasama ng dalawang Canadian nationals na kalaunay pinugutan ng Abu Sayyaf.
By Len Aguirre | Ratsada Balita