Umaasa si MNLF o Moro National Liberation Front Spokesman Emmanuel Fontanilla na matatapos kaagad ang kaguluhan sa Marawi City.
Sinabi ni Fontanilla na suportado at nirerespeto nila ang pagdedeklara ng Martial Law ng Pangulong Rodrigo Duterte, basta’t tiyaking mananatili ang safeguards nito.
Nakahanda rin aniya silang tumulong sa pamahalaan kung kakailanganin nito ng karagdagang puwersa sa paglaban sa grupong Maute.
“We are praying na yung mga nangyari sa Marawi ngayon will be controlled by the government kasi maraming apektado na mga sibilyan, dati namang may coordination ang MNLF at ang government eh, we can assess if we are called the prompt to help, meron naman kaming armas, sa intelligence makakatulong kami.” Ani Fontanilla
Binigyang diin ni Fontanilla na masyado lamang minaliit ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang MNLF at ang maganda ngayon ay magkaibigan ang Pangulong Duterte at si MNLF Chairman Nur Misuari.
“Kami ay minamaliit ng Aquino administration, kami na lang na armed ngayon is almost 35,000, diyan lang sa area siguro we can produce as high as 10,000, pinakamaganda lang kasi ngayon sa sitwasyon ng MNLF at government ay mag-kaibigan si Misuari at Duterte, ang maganda diyan we can talk and we can help each other anytime.” Dagdag ni Fontanilla
Intel report
Samantala, batid ng MNLF ang plano ng grupong Maute na manggulo sa Marawi City.
Sinabi ni MNLF Spokesman Emmanuel Fontanilla na nakuha nila ang impormasyon ilang buwan na ang nakararaan, kaya’t simula noong nakaraang buwan ay kanila nang iniiwasan ang naturang lugar.
Iminungkahi rin ni Fontanilla ang pamahalaan na gamitin nito ang mga residente ng Marawi upang mahanap ang sinasabing target ng operasyon na si Isnilon Hapilon.
“I have an election case in Marawi City, many times I have been there, isang buwan lang naroon kami, we have been avoiding the area na kasi may mga intelligence na gagalaw itong Maute at Abu Sayyaf, yun nga after a month yan ang nangyari, may tao tayo diyan sa locality eh, hindi naman kami basta makikialam na hindi kami tinatawag, may mga miyembrong MI (Moro Islamic) diyan, siguro nahikayat ng Maute.” Pahayag ni Fontanilla
Hinimok ni Fontanilla ang pamahalaan na pag-aralan din ang ibang aspeto ng kaguluhan sa Marawi, katulad nalang ng usaping politikal na maaaring pinagmulan din ng kaguluhan doon.
“Dapat itong problema sa Marawi, dapat pag-aralan hindi lang ito about Maute, pag-aralan din natin ang political factor diyan, kasi may mga disgruntled na mga pulitiko na nakasali diyan kaya lumaki masyado.” Paliwanag ni Fontanilla
CPP-NPA
Nagpahayag din ng kahandaan ang CPP-NPA-NDF na makipatulungan sa pamahalaan na labanan Maute ISIS Group na patuloy na naghahasik ng karahasan sa Marawi City.
Ayon kay National Democratic Front Senior Adviser Luis Jalandoni, gaya ng pamahalaan ay kinokondena ng komunistang grupo ang pag-atake ng Maute at Abu Sayyaf sa mga sibilyan.
Sinabi ni Jalandoni na nasa panig sila ng pamahalaan sa usapin ng terorismo sa Mindanao.
Una rito, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa MNLF o Moro National Liberation Front, MILF o Moro Islamic Liberation Front at NPA o New People’s Army na makiisa sa kampanya ng gobyerno laban sa Maute Group.
By Katrina Valle | Ratsada Balita (Interview) | Ralph Obina
MNLF handang tumulong sa gobyerno kontra Maute Group was last modified: May 29th, 2017 by DWIZ 882