Aminado ang Moro National Liberation Front (MNLF) faction ni Chairman Nur Misuari na hindi nila kayang tanggapin ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay Atty. Emmanuel Fontanilla, Spokesman ni Misuari, hindi nila puwedeng kilalanin ang BOL dahil para na rin nilang nilusaw ang Tripoli agreement at ang kanilang nilagdaang peace agreement sa pamahalaan noong 1996 na nagresulta sa pagkakatatag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Gayunman, nilinaw ni Fontanilla na bagamat hindi nila kinikilala ang BOL, iginagalang naman nila ang proseso ng pagkakabuo dito.
Sa ngayon, sinabi ni Fontanilla na nagmamasid lamang sila at nakahandang mag-antay hanggang sa mapalitan ng federalismo ang sistema ng pamahalaan dahil pangako ito sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Itong BOL na ito will be absorbed also in that form of government, so I don’t see any problem kasi the President committed to us, the MNLF that we will work on the federal form of government and we are very contented with that one, so walang conflict ang BOL sa kung ano pa man, but we cannot of course recognize the process for the simple reason that we have agreement, we have the Tripoli agreement and the final phase agreement, kung ire-recognize namin ang process ng BOL eh di wala na ‘yung aming agreement.” Ani Fontanilla
Ayon kay Fontanilla, hindi lamang ang problema ng kapayapaan sa Mindanao ang kayang resolbahin ng federalismo.
Wala aniya silang nakikitang problema para hindi pumasa ang federalismo lalo pang pawang kaalyado ng Pangulo ang mga miyembro ng Kongreso.
“We respect the process and we do not in any way intervene, ang point natin is we have to work hard on the federal government kasi ang BOL will be incorporated sa federal form of government, ‘yun ang trabahuhin natin. Ulitin ko ang panawagan ko sa media agency ng government, let us produce these documents and let our people read in their dialects para maintindihan kung ano ang isinusulong natin, kasi kung ganitong sila lang sa taas ang nakakaalam, paano ‘yung mga tao?” Pahayag ni Fontanilla
(Ratsada Balita Interview)