Pormal nang magiging katuwang ng puwersa ng pamahalaan ang Moro National Liberation Front sa pagsugpo sa iligal na droga, rebelyon at terorismo.
Ayon kay MNLF Chairman Yusop Jikiri, ang kanilang puwersa sa Sulu, Basilan at Tawi-Tawi ay kasama na ng mga pulis, militar at maging iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pagtugis sa mga drug lords at terorista.
Sinabi pa ni Jikiri na hindi rin gusto ng liderato ng MNLF na madawit sa mga iligal na aktibidad tulad ng pagbebenta ng iligal na droga at pagdukot ang mga Muslim lalo na sa mga lugar kung saan malakas ang kanilang presensiya.
Kasabay nito, nanawagan si Jikiri sa pamahalaan na tututukan ang mga proyektong pangkabuhayan at imprastratura sa mga lalawigan sa Mindanao kung saan maraming naninirahang Muslim.
Binigyang diin ni Jikiri na karamihan sa mga naninirahan dito ay dumaranas ng kahirapan na dahilan kung bakit kumakapit ang mga ito sa iligal na gawain tulad ng rebelyon, terorismo at illegal drugs.
—-