Pinuri ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang pagbibigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng amnesty sa kanilang mga miyembro.
Ito ay sa bisa ng Proclamation No. 406 na inilabas ni Pangulong Marcos kamakailan.
Sa opisyal na pahayag ni Office of Deputy Speaker Ustadz Abdulkarim Tan Misuari, sinabi nitong patunay ang naturang proklamasyon sa commitment ng pamahalaan tungo sa pagkakaisa, kapayapaan, at pagkakasundo.
Sa pag-apruba ng amnestiya, naipapakita umano ni Pangulong Marcos na seryoso ito sa pagkakaroon ng diyalogo at negosasyon upang maresolba ang mga gusot sa mga dating kumalaban sa gobyerno.
Dagdag pa ni Misuari, hindi lang susuporta ang desisyong ito ng Pangulo sa pagbabalik-loob ng mga miyembro ng MNLF sa lipunan, kundi makakaambag din sa pag-unlad ng bansa.