Matapos ang ilang taong pagtutol, lumagda na ang mga komunidad ng tribong dumagat-remontado sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa 12 billion peso Kaliwa Dam Project, na magpapalubog sa kanilang mga ancestral lands at kabuhayan sa Sierra Madre Mountain range.
Kinumpirma ni Metropolitan Waterworks Sewerage System Administrator Leonor Cleofas na nilagdaan ang MOA sa Quezon Province noong Enero a–28.
Gayunman, iprinotesta ng ilang Dumagat leader na tutol sa proyekto ang pagpirma sa kasunduan tulad ni Conchita Calzado, Tribal Leader mula sa General Nakar, na iginiit na minadali ang MOA.
Ang imbitasyon anya ay ipinadala lamang sa mga piling community leader at hindi kinikilala ng mga mas malaking Dumagat Community ang mga tribal leader na pumirma sa kasunduan.
Samantala, nakasaad sa MOA na magbibigay ang MWSS ng 80 million pesos bilang ‘disturbance compensation’ sa mga komunidad na maaapektuhan ng proyekto.
Saklaw ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project ang 291 hectares ng kaliwa watershed forest reserve at ancestral domains ng Dumagat-Remontado Communities sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal.
Layunin ng proyekto na matiyak ang sapat na supply ng tubig sa gitna ng lumalaking water demand ng mga taga-Metro Manila, Rizal, Quezon at mga karatig lalawigan na umaasa lamang sa Angat Dam, sa Bulacan.