Inihahanda na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkakasa ng mga mobile field hospitals upang gamiting isolation facility ng Deparment of Health (DOH) para sa mga probable coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.
Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, sa katunayan ay sinimulan na nilang gawin bilang mobile health facilities ang mga shipping container bilang bahagi ng kaniyang rekumendasyon.
Pinaplantsa na lang din aniya nila ang disenyo para sa mobile filed hospitals na mula sa shipping containers na may 40 talampakan ang haba, 8 talampakan ang lapad habang siyam na talampakan naman ang taas.
Plano ng DPWH na hatiin ang container sa apat na silid at nakadepende ang disenyo nito sa mga ikinasang panuntunan at rekumendasyon ng DOH para rito.
Mayroon din itong tamang ventilation at palikuran sa bawat silid sakaling kailanganin ng full isolation ng bawat pasyenteng gagamit ng nasabing pasilidad.
Maliban dito, ikinakasa na rin ng DPWH ang disenyo ng isang high cube shipping containers na may 20 talampakan ang haba na maaaring gawing nurse stations, utility room at hiwalay na shelter para sa mga healthworker na ilalagay sa paligid ng mga ospital o di kaya’y sa isang open space.