Nakakuha na ng mobile freezer ang East Avenue Medical Center (EAMC) para sa mga unclaimed bodies o mga bangkay na wala pang umaangking pamilya, may kaugnayan man ito sa COVID-19 o wala.
Ito ang iniulat ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos aminin ng EAMC na nangangailangan sila ng mga karagdagang pag-iimbakan ng mga nasawing pasyente.
Ayon kay Vergeire, malaki ang maitutulong ng mga mobile freezers para madagdagan ang limitang kapasidad ng mortuary ng EAMC.
Kaugnay nito sinabi ni Vergeire na inatasan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga local government units (LGUs) na solusyunan ang problema sa paghawak ng mga bangkay bunsod na rin ng limitasong espasyo ng ospital.
Una nang sinabi ni Dr. Dennis Ordoña, tigapagsalita ng EAMC na bagama’t mayroon pa silang suplay ng mga cadaver bags, hindi naman aniya kaya ng kanilang morgue ang bilang mga hindi pa kinukuhang bangkay.