ISINIWALAT ng Ookla, global leader sa internet testing at analysis, na lalo pang bumuti ang mobile internet speed sa Pilipinas noong Oktubre ngayong taon.
Base sa pinakahuling speedtest global index report ng Ookla, nakapagtala ng average download speed na 38.12Mbps noong nakaraang buwan sa bansa kumpara sa 35.03Mbps noong Setyembre.
Kumakatawan ang download speed sa 8.82% month-to-month improvement para sa mobile internet.
Napag-alaman na katumbas ito ng improvement na 412.37% simula nang mag-umpisa ang administrasyong Duterte noong July 2016.
Bukod dito, sinasabing bahagya namang bumaba ang fixed broadband speed sa bansa nang makapagtala ng 71.08Mbps noong isang buwan kumpara sa 71.85Mbps noong Setyembre.
Binanggit din ng Ookla na ang datos na ito ay kumakatawan sa speed improvement na 798.61% mula nang magsimulang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ipinag-utos ng Presidente na pabilisin ang proseso sa pag-iisyu ng mga lokal na pamahalaan ng permits sa mga telco upang lalo pang gumanda ang serbisyo ng mga ito.
Nabatid din na ang pagbuti ng internet speed ay dahil sa mas mabilis nang pagtatayo ng imprastraktura ng mga telco, kabilang ang cellular towers at fiber optic network sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.