Mariing ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga mobile phone manufacturers, distributors at dealers na ituro sa mga mobile phone users ang pag-iwas sa text scams.
Batay sa ipinalabas na memorandum order ng NTC, bukod sa pagtuturo sa kung paano gamitin ang bagong biling mobile phones, ang mga distributors at dealers ay inatasang ituro din sa mga cellphone buyers kung paano sila makaiiwas sa mga scam na ipinadadala sa pamamagitan ng text.
Sa direktiba na nilagdaan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, binanggit na dapat ipatupad ng mga mobile phone manufacturers, distributors at dealers ang sumusunod na mga hakbang:
1. Pagtuturo sa mga mobile phone users kung paanong i-block ang mga text na galing sa mobile numbers na wala sa kanilang contact lists at kung paanong lumikha ng spam folder sa kanilang inbox. Maaring ipalaganap ang nasabing impormasyon sa pamamagitan ng websites ng mga mobile phone manufacturer maging sa kanilang social media accounts.
2. Ang mga mobile phone manufacturers, distributors at dealers ay dapat maglagay ng posters sa kanilang physical stores na nagsasaad ng impormasyon sa paggamit o pag-activate ng text blocking, spam folder at iba pang kahalintulad na features sa kanilang cellphones.
3. Ang mga mobile phone manufacturers, distributors at dealers ay inaatasang maglagay ng leaflets sa package ng mga bagong mobile phones na naglalaman ng impormasyon hinggil sa paggamit ng text blocking, spam folder at iba pang kahalintulad na features.
Maliban dito, iniutos din ng NTC ang agarang pagpapatupad ng memorandum order sa loob ng 15 araw.
Kasabay ng industry-wide meeting ng NTC kamakailan, sinabi ng mga kinatawan mula sa mobile phone manufacturers, distributors at dealers na ang kanilang mga ibinebentang cellphones ay mayroong features na kayang magbigay proteksyon laban sa text scams, gaya na lamang ng pag-block sa mga unknown numbers at pag-divert ng mensahe sa spam folders.