Inirekomenda ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maglagay ng mobile number at e-mail address ang mga nagpaparehistro para sa Philippine Identification System upang makatanggap ng mga update.
Ayon sa PSA, opsyonal ang paglalagay ng mga naturang impormasyon subalit para makatanggap ng mga update sa estado ng registration, mas mainam na ilagay na rin ang mga ito.
Sa step 1 ng registration, aalamin ang buong pangalan, kasarian, petsa at lugar ng kapanganakan, blood type, permanenteng tirahan, kasalukuyang tirahan, citizenship status at marital status, na opsyonal din na datos.
Pina-alalahanan naman ng PSA ang registrants na tiyaking updated ang impormasyon para maiwasan ang hindi pagkakatugma sa step 2 biometrics process.
Samantala, mananagot ang mga registrants na sinadyang magbigay ng maling impormasyon upang makakuha ng National ID. —sa panulat ni Drew Nacino