Gugulong na sa Metro Manila ang mobile police outpost ng National Capital Region Police Office na bahagi ng S.A.F.E. NCRPO project ng distrito.
Ayon kay NCRPO Acting Regional Director PBGEN Jonnel Estomo, dinesenyo ang ‘movable outpost’ upang madali itong maililipat sa ibang lugar na nangangailangan ng presensiya ng pulis lalo na sa panahon ng mga espesyal na okasyon o aktibidad tulad ng Halloween Day at Undas.
Ipinasilip naman sa media nina NCRPO spokesperson PLTCOL Dexter Versola at PIO Chief PMAJ Anthony Alising ang isang prototype mobile outpost sa harap ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Brgy. Tambo, Parañaque City.
Sinabi ni Estomo na ang rolling station ay magsisilbing tambayan ng mga pulis upang agad silang malalapitan ng mga taong nangangailangan ng kanilang assistance.
Dagdag pa ng heneral, partikular na tututukan ng mobile outpost ang mga terminal, transportation hubs, at iba pang mga pampublikong lugar.