Mistulang kinarma ang blogger at die hard Duterte supporter na si Mocha Uson makaraang “deadmahin” siya at hindi pansinin ng mga reporter sa regular press briefing kahapon sa Malacañang.
Si Uson, kasama ang Chairperson ng Film Development Council of the Philippines na si Liza Dinio-Seguerra, ang resource person sa regular press briefing ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Matapos magbigay si Uson ng kanyang opening statement patungkol sa nakatakdang Metro Manila Film Festival, wala ni isa ang nagpakita ng interes na magtanong sa kanya.
Habang nagbibigay ng kanyang mensahe si Uson, kapansin-pansin sa live TV broadcast na walang tumitingin sa kanya at bagkus ay nakayuko ang mga reporter na tila abala sa kani-kanilang cellphone, tablet, at laptop.
Magugunitang mainit ang dugo ng ilang miyembro ng media kay usOn matapos paratangan nito ang ilang grupo ng journalists at media entity na biased o may kinikilingan at tinawag pang “presstitutes” ang ilang mga pangunahing television network at dyaryo.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping