Magkakasa ng mock elections ang Commission on Elections (COMELEC) sa tatlumput apat na barangay bukas, Miyerkules, December 29, 2021 na magsisimula alas-siete ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.
Sakop ng nasabing aktibidad ay ang ilang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao kung saan, kabilang sa mga barangay na isasama ay ang mga sumusunod:
- Sa National Capital region (NCR): tig-dalawang barangay sa Pateros, Taguig City at Pasay City.
- Sa Isabela: tig-dalawang barangay sa Cauayan City at Cordon
- Sa Albay: tig-dalawa sa Legaspi City at Pioduran
- Sa Negros Oriental: tig-dalawa sa Dumaguete City at Zamboanguita
- Sa Leyte: tig-dalawa rin sa Tacloban City, Baybay City, at Palampon
- Sa Maguindanao: tig-dalawa sa Cotabato City, Shariff Aguak at Buluan
- Sa Davao del Sur: dalawang barangay sa Digos City at dalawa rin sa barangay sa Sulop
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, bubuksan ng kanilang ahensya ang proceedings sa media, citizens’ arm groups, at ilang political parties.
Sinabi pa ni Jimenez na ang mga pangalan ng mga kandidato sa 2022 national and local election ang mismong nakaimprenta sa mga balotang gagamitin sa mock election at hindi nila gagamitin ang pansamantalang listahan dahil magdudulot lamang ito ng kalituhan sa bawat isa.—sa panulat ni Angelica Doctolero