Nasa ‘blueprint’ na ng BBM-Sara Uniteam ang planong modernisasyon ng Pasig River Ferry System bilang isa sa alternatibong paraan upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kikilos sila ni Mayor Sara Duterte matapos silang manalo sa halalan ngayong darating na Mayo at bibigyang prayoridad nito ang pagpapaunlad sa transportasyong pang-lantsa sa Ilog Pasig na na-uugnay sa Laguna De Bay hanggang Manila Bay.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong Pebrero 2018, mahigit tatlong bilyong piso (P3.5) ang nawawalang potensyal na kita kada araw ng bansa dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila.
Dahil dito, layunin din ng BBM-Sara uniteam na pabilisin ang pag-apruba sa isinusulong na Pasig River Ferry Convergence Program ng Duterte administration.
Nabatid sa ginawang pag-aaral ng Department of Transportation (DOTr) na ilan sa dahilan kung bakit nalulugi ang ferry system ay dahil sa hindi ito tinatangkilik ng karamihan sa mga kababayan.
Ngunit, ayon sa Uniteam, isa sa nakitang dahilan rito ay ang ‘informal settlers’ na malaking isyu sa seguridad, gayundin ang pagsulputan ng water lily at ang hindi magandang amoy na nalalanghap sa paligid ng Ilog Pasig.
Samantala, kumpiyansa ang Marcos-Duterde team na mapalakas ang nasabing ferry system para sa pagpapalakas ng ekonomiya.