Naniniwala ang ilang mambabatas na hindi pa napapanahon ang pagpapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng modified EDSA scheme.
Ayon kay Caloocan Rep. Egay Erice, tila trial and error ang ginagawa ng DOTr at MMDA sa naturang proyekto.
Hindi pa kasi aniya kumpleto ang mga istraktura tulad ng bus stop at tawiran, ngunit binago na agad ang bus lane sa EDSA at inilagay ito sa inner most lane at nagpatupad na ng carousel route sa mga bus.
Para naman kay Minority Leader Benny Abante, pag-aaksaya lamang ng pera ang pagbili ng ahensya ng concrete barriers na magbubukod sa bus lane.
Aniya, bumili agad ang ahensya ng mga ito kahit hindi pa lubos nilang napag-aaralan kung epektibo nga ang kanilang plano.
Dahil dito, umapela ang mga mambabatas sa DOTr at MMDA na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng programa.