Dapat nang kumilos ang Department of Transportation and Communication (DOTC) sa mga napapaulat na umano’y tanim bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon ito kay Congressman Sherwin Gatchalian matapos lumutang ang pinakahuling pagkakabiktima ng tanim bala sa isang dayuhan at isang OFW.
Sinabi pa ni Gatchalian na nagtataka lamang siya kung bakit hindi pa rin nireresolba ng DOTC ang nasabing problema gayung paulit-ulit na itong naibabalita ng media.
“Ito po ay madalas na lumalabas sa media pero wala naman po tayong naririnig sa DOTC kung ano po ang hakbang na ginagawa nila sa problemang ito.” Ani Gatchalian.
Ipinabatid ni Gatchalian na nakapaghain na siya sa kamara para imbestigahan ang nasabing usapin na aniya’y sadyang nakakabahala.
“Kami po sa Kongreso, naghain po tayo ng isang resolusyon para imbestigahan ito, pero kahit po hindi pa iniimbestigahan ng Kongreso ito, ang DOTC na ang gumawa ng mabilisang hakbang para malaman kung sinu-sino ang sangkot dito at matanggal na sa kanilang trabaho.” Pahayag ni Gatchalian.
By Judith Larino | Karambola