Nagbabala sa publiko ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) matapos madiskubre ang modus kung saan may ilang nagpapakila na empleyado nila at nag-iisyu ng pekeng COVID-19 test results.
Ayon sa RITM, maliban sa pekeng test results, nag-aalok rin ang mga itinuturing nilang “unscrupulous individuals” ng swabbing services.
Nadiskubre ng RITM ang naturang scam matapos makatanggap ng verification requests mula sa mga pribadong kumpanya at ulat mula sa pamahalaan kung saan 27 ang palsipikadong test results, 20 rito ang ginamit para sa byahe, tatlo para sa accomodations at apat para sa iba pang purpose.
Anila, ang paggamit ng pekeng laboratory result ay posibleng maghatid ng panganib hindi lamang sa mismong indibidwal na gumamit nito, kundi pati sa kaniyang pamilya, kasama sa katrabaho at sa iba pa nitong nakakasalamuhang mga tao.
Paalala ng RITM, inilalabas lamang nila ang COVID-19 test result sa pamamagitan ng surveillance and response unit at health information management department.