Itinuloy ng Marikina City ang installation ng lahat ng equipment sa kanilang molecular laboratory.
Sa kabila ito ng nakabinbin pa ring permiso mula sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang paghahanda para sa pagbubukas ng molecular laboratory sa Biyernes kahit na hindi ito basbasan ng DOH.
Binigyang diin ni Marcelino na alam nyang may malalabag s’yang batas subalit nakahanda naman s’yang harapin ito.
Nagpasya na ‘ko, ini-invoke ko na yung full autonomy at yung general welfare clause na nakamandato ng local government code. Ibig sabihin dun sa general welfare clause, maaring gamitin ng isang Mayor yung kapangyarihan insidental kinakailangan at yung hinihingi ng pagkakataon,” ani Teodoro.
Iginiit ni Marcelino na napakalaking tulong ng kanilang laboratoryo para mapabilis ang pagpapalabas ng resulta ng COVID-19 testing dahil dalawa ang kanilang PCR at may kakayahan silang mag-test 400 kada araw.
Hindi lamang anya ito para sa mga tiga Marikina kundi maging sa mga karatig nilang lugar.
Aminado si Teodoro na masama ang loob nya sa DOH dahil sa tila pinapaikot-ikot na sila sa mga hinihingi nitong requirements na sa pagkakaalam nya ay nasunod na nila.
Matatandaan na isa sa pinuna noon ng DOH ay ang lokasyon ng laboratoryo kaya’t inilipat ito ng syudad sa hiwalay na gusali na solo lamang ng laboratoryo.
Wala naman daw silang problema doon sa biosafety requirements, dun sa work flows, standard operating procedures and protocol, yun nga lang kailangan daw namin ilipat ito sa isang free standing building, inilipat na naman namin nasa isang hiwalay na building, sumama lang kalooban ko nung nakaraang linggo pa ako nagre-request na ma-inspect na, mapuntahan, hanggang nung Lunes naghintay kami, kahapon walang dumarating na taga-DOH, hindi totoo yung sinasabi nila na kahapon lang kami nag-request ng inspection,” ani Teodoro.