Nagsalita na ang batikang brodkaster na si Ramon Tulfo sa kinaharap na kontrobersiya ng kaniyang mga kapatid na sina dating Tourism Secretary Wanda Teo at public service program host na si Ben Tulfo.
Kaugnay ito sa humigit kumulang 60 Milyong Pisong ad placement ng Department of Tourism sa State Run TV Network na PTV 4 kung saan, kabilang ang blocktime program ni Ben Tulfo sa ilalim ng Bitag Media Unlimited Incorporated.
Sa kaniyang inilabas na kolum sa pahayagang Philippine Daily Inquirer kahapon, ipinagtanggol ng nakatatandang Tulfo na mas kilala sa tawag na “Kuya Mon” ang dating kalihim.
Giit nito, walang alam si Teo na maka-kukuha ng paid advertisement mula sa tourism department sa PTV ang programa ni Ben na inilarawan naman niyang isang pasaway at blacksheep sa pamilya.
Dapat aniya’y ginamit ni Ben ang utak nito at dapat na hindi niya tinanggap ang alok ng PTV 4 na ilagay sa kaniyang programa ang ads ng DOT dahil sa ito’y malinaw na isang conflict of interest.
Nakararanas umano ng middle child syndrome si Ben na misutalng isang bata na laging naghahanap umano ng atensyon sa pag-aakalang hindi siya nabibigyan nito.
Asawa at abogado ni dating Tourism Secretary Wanda Teo, tinawag na pasaway ng kapatid nito
Binanatan din ng batikang mamamahayag na si Ramon “Kuya Mon” Tulfo ang asawa ni dating Department of Tourism Secretary Wanda Teo na si Roberto “Bobby” Teo at abogado ng dating kalihim na si Atty. Ferdinand Topacio.
Sa kaniyang inilabas na kolum sa pahayagang Philippine Daily Inquirer kahapon, sinabi ni Kuya Mon na isa pang pasaway si Bobby dahil hindi man lang nagkusang bumitiw bilang board member ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority nang maupo bilang kalihim ang asawa nito.
Nagkamali rin umano ang kapatid niyang si Wanda nang kunin nito bilang abogado si Atty. Topacio na tinawag niyang madaldal at mapapel nang sabihin nito na isasauli ng pamilya Tulfo ang 60 Milyong Pisong ibinayad ng DOT sa programa ng isa nilang kapatid.
Giit ng nakatatandang Tulfo, paano naman aniya isasauli ang perang hindi naman nila nakuha lalo’t talent lamang at hindi kasali sa kumpaniya ni Ben ang bunso nilang si Erwin Tulfo.
Sa huli, sinabi ni Kuya Mon na susuportahan niya ang kapatid na babaeng si Wanda gayundin ang bunso nilang kapatid na si Erwin subalit hindi niya kailanman kukunsintehin si Ben.