Dumipensa ang pamunuan ng Monde Nissin sa ulat na may sangkap na ethylene oxide ang kanilang mga Lucky Me products.
Kasunod ito nang paglabas ng safety warning ng Ireland, Malta at France sa mga Philippine Instant Pancit Canton at Noodles na nasa kanilang bansa, matapos makitaan ng naturang kemikal.
Ang ethylene oxide ay isang uri ng pesticide na hindi otorisadong gamitin sa mga pagkain sa European Union.
Paglilinaw ng Monde Nissin, hindi nila idinagdag sa kanilang produkto ang nasabing kemikal dahil ginagamit lang ito sa treatment ng spices, seeds para makontrol ang pagdami ng mikrobyo sa mga produktong pang-agrikultura.
Maaari ding nasa sangkap na ito ng produkto bago pa ito bilhin ng pabrika.
Tiniyak naman ng kumpanya na lahat ng kanilang produkto ay rehistrado sa FDA at sumusunod sa local food safety standards at sa US FDA standards for Ethylene Oxide.