Dumulog na ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas upang matunton ang money trail ng pitumpu’t syam (79) na milyong pisong cash at mga tseke na nakuha sa isang bahay sa Marawi City.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, fresh at naka-bundle pa ang mga pera kayat hindi nila inaalis ang posibilidad na ninakaw ito ng mga terorista sa Landbank of the Philippines sa Marawi City.
Kabilang aniya ang Landbank sa Marawi City sa mga establisimiyento na sinunog ng Maute Group noong unang araw na sumiklab ang krisis sa Marawi.
Gayunman, sinabi ni Año na maaari rin namang nakatanggap na ng pondo ang Maute Group mula sa teroristang grupo sa ibayong dagat.
“Ang kanilang talagang rason para maging ganap na ISIS at ma-recognize ay maka-receive sila ng tulong galing sa abroad at may mga reports tayo na nakakatanggap sila, kaya tinitgnan natin ito na maaaring malaking factor sa pagkilos ng grupo, bakit ang dami nilang armas, bala at ang pangako nila sa pag-recruit ay bibigyan ng pera yung mga papasok sa kanilang organisasyon.” Ani Año
Samantala, malaking bagay para sa kampanyang tapusin ang krisis sa Marawi, ang pagkakadakip kay Cayamora Macaraya Maute, ama nina Abdullah Romato at Omar Cayam Maute na lider ng Maute Group.
Ayon kay Año, ang matandang Maute ang nagsisilbing lokal na financier at pinaniniwalaan nilang pinaka-ulo ng Maute Group.
Sinabi ni Año na ipinag-utos na niya ang mahigpit na seguridad kay Cayamora upang maagapan sakaling may ilunsad na rescue mission ang Maute Group.
“Matagal nang involved si Cayamora Maute dito sa Maute-ISIS group na ito, in fact mapera at mayaman ito dahil marami itong kontratang ginawa noong araw, dati rin itong member ng MILF panahon ni Hashim Salamat, itiniwalag dahil nakadispalko ng malaking pera na galing sa funding sa ibang bansa noong araw.” Pahayag ni Año
Samantala, tatapusin na ng AFP ang pakikipag-giyera sa Marawi city.
Tiniyak ni General Eduardo Año, Chief of Staff ng AFP na ilang araw na lamang at matatapos na ang paghahasik ng terorismo ng Maute-ISIS Group.
Ipinaliwanag ni Año na maliit na bahagi na lamang ng marawi ang hawak pa rin ng Maute-ISIS Group.
Nahihirapan lamang anya ang militar dahil ginagamit na panangga ng mga terorista ang mga natira pang residente doon bukod pa sa paggamit nila sa mga mosque bilang kanlungan.
Kasabay nito, tumanggi pa si Año na ideklarang patay si Omar Maute, isa sa mga lider ng Maute Group.
Ayon kay Año, taga-loob mismo ang pinagmulan ng impormasyon na napatay sa airstrike si Omar subalit ayaw nilang pakasiguro hanggat walang kumpirmasyon.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
‘Money trail’ ng P79-M cash at tseke sa Marawi tinutukoy na was last modified: June 7th, 2017 by DWIZ 882