Sanib puwersa ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para mahigpit na i-monitor ang gun for hire groups at mga may-ari ng loose firearms na posibleng maging private armed groups o security escorts ng mga kandidato sa midterm elections.
Ipinabatid ito ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde para matiyak ang maayos at malinis na eleksyon sa susunod na taon.
Tiniyak ni Albayalde ang mga operasyon ng PNP katuwang ang puwersa ng militar para mahuli ang mga may hawak ng loose firearms at mga nasa likod ng gun for hire groups.
Ipinag-utos na aniya niya ang mahigpit na monitoring sa mga aktibidad ng mga posibleng private armed groups kasunod na rin nang bantang pananagutin ang mga opisyal ng pulisya na mabibigong tutukan ang mga nasabing armadong grupo.
Kasabay nito, inihayag ni Albayalde ang posibleng re-assignment ng ilang police officers na may kaugnayan sa mga kandidato o incumbent officials na re-electionists subalit ang posibleng pansamantala lamang ang mga re-assignment na ito.
Una nang binuhay ni Albayalde ang national task force on honest, orderly and peaceful elections para maghanda at tutukan ang posibleng security concerns kaugnay ng midterm elections.