Pinalawak ng Department of Health-SOCCSKSARGEN (DOH-12) ang bio-surveillance nito sa Omicron variant sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Sulpicio Henry Legaspi, Assistant Director ng DOH-12, isinumite ng mga otoridad ang lahat ng positibong kaso para sa genome sequencing upang masuri ang posibleng pagkakaroon ng nakakahawang variant.
Sinabi ni Legaspi, na ang surveillance ay ginagawa sa pakikipag-ugnayan sa mga rural health unit at molecular laboratories sa apat na probinsya at apat na lungsod ng rehiyon.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang aktibong kaso ng rehiyon ay pumalo na sa 503 na naitala nito lamang Huwebes, Enero a-13.
Samantala, inihayag naman ni Dr. Dyan Zubelle Parayao, pinuno ng DOH-12 Epidemiology and Surveillance Unit, na maaga nilang binalaan ang mga rural health units hinggil sa pinaghihinalaang iba’t ibang kaso ng COVID-19 upang matiyak ang agarang interbensyon. —sa panulat ni Kim Gomez