Bumaba umano ang ‘morale’ ng mga taga-Department of Health (DOH) bunsod ng isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kay Sec. Francisco Duque III.
Ayon kay DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire, wala pa silang natatanggap na pormal na komunikasyon mula sa anti-graft office ukol sa umano’y posibleng anomalya sa paghawak ng ahensya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.
Sinabi ni Vergeire na bukas sila sa imbestigasyon at pinaghahandaan na nila ito.
Gayunman, binigyang diin ng opisyal na hindi naman kailangan na lumiban pa sa trabaho o tuluyang magbitiw ang kalihim dahil sa naturang usapin.