Kinumpirma ni Anak-Kalusugan Party-list Representative Mike Defensor ang paglagda ni PhilHealth President Ricardo Morales at 13 iba pa ng waiver sa bank secrecy law.
Dahil dito, malaya na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na busisiin ang kanilang bank accounts.
Maliban kay Morales, ilan sa mga lumagda na ng bank waiver sina EVP COO Arnel De Jesus, SVP Dennis Mas, SVP Atty. Rodolfo Del Rosario Jr, SVP Jopvita Argona, acting SVP Nerissa Santiago, VP Shirley Domingo at iba pa.
Samantala, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng house committee on public accounts at ng good government and public accountability, ibinunyag ni Defensor na mahigit sa P1.49-bilyon na ang nailabas na pondo ng PhilHealth sa ilalim ng interim reimbursement mechanism (IRM) para sa 51 pagamutan na mayroong kasong fraud.
Ayon kay Defensor, sa mahigit 4,000 fraudulent cases ng mga pagamutan, mahigit sa 3,800 dito ang nangyari mula lamang 2019 hanggang 2020.
Sinabi ni Defensor na dapat ay antayin muna ng PhilHealth na maresolba ang fraud cases ng mga ospital bago magpalabas ng pondo.
Una nang sinuspinde ng PhilHealth ang IRM dahil sa mga nabunyag na anomalya. —ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)