Kumpirmado na ang pagtakbo ni Manila Mayor Isko Moreno sa 2022 elections.
Ngunit ayon sa alkalde, hindi pa siya nakakapagdesisyon kung anong posisyon ang kaniyang tatakbuhan.
Sinabi ni Moreno na sa ngayon ay napakalaki pa ng kaniyang obligasyon sa Maynila kaya’t nandito pa ang kaniyang pokus.
Nais niya aniyang maging patas sa mga taga Maynila na nagtiwala sa kaniya kaya naman hanggang sa huling sandali ay kaniya silang paglilingkuran at magiging tapat sakaling makapagdesisyon na sa kung anong susunod na plano niya sa kaniyang karera sa pulitika.
Kasabay nito, nagpaabot ng pasasalamat si Moreno sa mga nagtitiwala sa kaniyang kakayahan at sumusuporta sa kaniyang pagtakbo sa darating na halalan.