Walumpung porsyentong nakatitiyak si Defense Secretary Delfin Lorenzana na isang Moroccan national ang suspek sa nangyaring pagsabog sa Lamitan City Basilan noong nakaraang linggo.
Ito ay batay aniya sa mga nakuhang intelligence report ng militar at pahayag ng dalawang testigo hinggil sa dayuhang lulan ng sumabog na sasakyan.
Gayunman, iginiit ni Lorenzana na miyembro ng Abu Sayyaf Group ang nasabing dayuhan at hindi kasapi ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.
Ayon kay Lorenzana, unang nakabase sa Sulu ang nasabing dayuhan bago ito lumipat ng Basilan kung saan nakunan ito ng larawan na may kasamang dalawang bata na sinabing mga anak nito.
Dagdag ng kalihim, hinihimok din aniya nito ang iba pang miyembro ng Abu Sayyaf na magsagawa ng suicide bombing pero wala pa umanong matapang na Filipino ang pumapayag.
Hinihinala namang plano ng suspek na dalhin sa isang plaza kung saan may isasagawang feeding program sa mahigit apatnalibong (4,000) bata ang kanyang dalang sasakyan na may bomba at doon pasasabugin bago naharang sa checkpoint.
—-