Ipinababasura ni Vice President Leni Robredo sa Korte Suprema na tumatayong PET o Presidential Electoral Tribunal ang mosyon ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos na nagpapabasura sa counter-protest ng Bise Presidente kaugnay ng umano’y dayaan sa halalan 2016.
Ayon kay Robredo, dapat na ituring ng PET ang mosyon ni Marcos bilang isang “sham pleading” na dapat ibasura na o tanggalin sa records ng PET.
Una nang dumulog sa PET si Marcos, na humihirit na ibasura ang counter-protest ni Robredo dahil sa kabiguan nitong magbayad sa orihinal na deadline ng unang installment ng hinihinging halaga ng PET nuong April 14 sa kampo ni Robredo.
Noong Mayo 2 na nakapaglagak si VP Robredo ng P8-milyong paunang bayad ng kabuuang hinihingi ng pet para sa kanyang counter-protest.
Naniniwala ang Bise Presidente na dahil nagawa naman nilang makasunod sa kautusan ng PET, maituturing na ring moot and academic ang mosyon ni Marcos.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo