Naghain ng mosyon ang kampo ni pork barrel scam queen Janet Lim Napoles sa 5th Division ng Sandiganbayan ngayong araw.
Ito ay para ihirit na mailipat si Napoles sa kustodiya ng NBI o National Bureau of Investigation.
Sa panayam ng DWIZ inihayag ni Atty. Stephen David, abogado ni Napoles, na ito ay upang makalahok sila sa diskusyon at pag-aaral sa planong gawing state witness sa pork barrel cases ang kanyang kliyente matapos itong i-abswelto ng Court of Appeals o CA sa kasong serious illegal detention.
“Yung recent development diba may sinabi si Secretary Aguirre na open sila sa possibility na pagiging state witness niya (Napoles) kapag ganun madali ang coordination ng NBI at DOJ kasi same department yan eh, under ng DOJ ang NBI, madali ang cooperation at syempre yung facility nila ay equipped, malakas na yan para mag-protekta ng mga witnesses nila.” Ani David
Sinabi ni David na hindi na dapat nakakulong sa Correctional Institution for Women ang kanyang kliyente dahil para lamang ito sa mga sentensyado nang kriminal.
Kaugnay nito binigyang diin rin ni David na nananatili ang banta sa buhay ni Napoles dahil sa mga nalalaman nito ukol sa PDAF scam.
“Malalaki ang mga involved diyan, hindi natin alam ang mga capacity nila lalo na ngayon nagbigay ng pronouncement si Pangulong Duterte na she doesn’t appear to be the most guilty (PDAF cases). Ang sabi naman niya (Janet Napoles) sa akin ay willing siyang sabihin ang totoo, actually sinabi niya na ang mga involved diyan noon pang panahon ng previous administration kaso ang problema ayaw nga siyang intindihin dahil maraming tinamaang mga kaalyado noong araw.” Pahayag ni David
By AR | Ratsada Balita (Interview)
Mosyon para mailipat sa NBI si Janet Napoles inihain was last modified: May 12th, 2017 by DWIZ 882