Duda ang Teachers Dignity Coalition sa motibo ng Malacañang nang i-certify na urgent ang panukalang umento sa sahod ng mga manggagawa ng pamahalaan.
Ayon kay Benjo Basas, Chairman ng Teachers Dignity Coalition, hindi maiiwasang makulayan ang hakbang na ito ng Pangulong Noynoy Aquino dahil itinaon ito sa panahon ng eleksyon.
Gayunman, kumbinsido si Basas na matatalino na ang mga botante ngayon.
“Puwede ka namang magbigay ng umento nang malayo pa ang eleksyon or a year before the election, pero ito nga medyo kakatwa, ito ay ibinigay po doon sa election year mismo at hindi po natin maiaalis na isipin ng ilan sa atin na ito nga ang purpose nito, but then sabi nga natin ang ating mga tao sa gobyerno, ang ating mga manggagawa sa gobyerno, and ofcourse ang ating mga public school teachers ay intelligent enough naman.” Ani Basas
Di sapat para sa mga guro
Hindi sapat para sa mga guro ang umento sa sahod na nakapaloob sa panukalang Salary Standardization Law 4 na pinamamadali na ng Pangulong Noynoy Aquino sa Kongreso.
Ayon kay Benjo Basas, Chairman ng Teachers Dignity Coalition, bagama’t welcome para sa mga guro ang hakbang ng Pangulo, masyadong mababa ang mahigit sa P2,000 umento sa kanilang sahod.
Huli anyang nakatikim ng umento sa sahod ang mga guro noon pang 2009 nang ipasa ang Salary Standardization Law 3 at maiangat sila sa salary grade 11 sa suweldong mahigit sa P18,000.
Binigyang diin ni Basas na ang hinihintay nilang pumasa sa Kongreso ay ang additional support and compensation bill na naglalayong mabigyan ng dagda na P10,000 suweldo ang mga guro.
“Ang mga guro over and above, beyond SSL 4, kasi SSL 4 itong ipapasa ngayong 2016 magkakaroon po sila ng additional compensation in the amount of P10,000, across the board po yan sa lahat n gating mga guro so it doesn’t matter kung ano ang kanilang posisyon pero syempre hindi naman yan minsanang ibibigay.” Paliwanag ni Basas.
By Len Aguirre | Ratsada Balita