Nilinaw ng isang commuter group na hindi sila tutol na mabigyang pagkakataon na maging legal ang mga app-based motorcycle-taxi companies.
Paglilinaw ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP), kanilang tinututulan lamang ang mga lumalabas na ilegal at kulorum na kumpanya na nagsimula na ng kanilang operasyon ngunit hindi man lamang dumaan sa pilot testing ng Department of transportation (DOTr).
Hindi po kami kontra dito. In fact, kami po ang isa sa relentless na prime mover na bigyan ng pagkakataon na maging legal ang motorcycle taxi… kung merong ibang gustong pumasok [na kagaya ng Angkas], dapat hindi muna sila mag-operate ngayon, dahil hindi sila kasama sa pilot testing at lalabas na kulorum sila.” ani Inton.
Kasunod ito ng paghahain nila ng petisyon para sa preliminary injunction laban sa limang kumpanya na umano’y nag-ooperate na nang labas sa regulasyon ng gobyerno: We Move Things Philippines Inc. (Joyride), Habal Rides Corp. (Habals Inc.), i-Sabay, Sampa-Dala Corp. at Trans-Serve Corp.
Malaking problema, ani Inton, sakaling magkaroon ng aksidente sa mga aniya’y tila kulorum na mga motorcycle-taxi companies kung papayagan silang mag-operate kaagad na maaaring maging dahilan pa ng pagkabigo ng buong motorcycle-taxi community.
Kung papayagan natin ang ibang gustong pumasok na player nang hindi dumadaan sa pilot testing, ‘pag nagkaroon ng aksidente ‘yan, the whole motorcycle taxi will fail. Doon po kami nag-iingat,” ani Inton.
Nilinaw din ni Inton na hindi nila pinapanigan ang Angkas, nagkataon lamang aniya na nakapasok ang Angkas sa pilot testing ng DOTr kaya’t kanila itong sinusuportahan.
Nagkataon na ang Angkas ay nakapasok, kaya nga nililinaw po ng aming grupo, ito ay para sa motorcycle taxi. Nagkataon lang na ang Angkas lang ang nakapasok sa pilot testing, pero kung meron pang pumasa sa DOTr, okay din po kami doon,” ani Inton.
Katunayan aniya ay isa sila sa mga masipit na tagapagtaguyod ng mga motorcycle-taxi at welcome sa kanila ang kompetisyon at ibang kumpanyang nais pumasok sa operasyon nito basta dadaan sa pilot testing at tamang proseso ng DOTr.
Samantala, pabor naman si Inton sakaling palawigin pa ang pilot testing ng Angkas nang sa gayon aniya ay malaman kung ano pa ang dapat na pag-unlarin. — sa panayam ng Ratsada Balita