Aabot sa 50 kataong humambalang sa bike lanes na inilaan para sa siklista ang sinita at tiniketan ng Quezon City (QC) bike patrols sa kanilang isinagawang clearing operation nitong Huwebes.
Walang sinanto ang QC bike patrols kahit na mga pasaherong nakatayo sa bike lanes, mga sasakyang nag-park rito at kahit na mga siklistang walang suot na helmet ay sinita rin.
Isa sa mga ‘di nakalusot sa QC bike patrols ay ang isang natiketang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagpark sa bike lanes at nangatwirang magwi-withdraw lamang daw, subalit ‘di umubra sa otoridad ang palusot nito.
Ang mga nasita’t tiniketan ay pagmumultahin ng P350 habang ang mga siklistang walang suot na helmet ay pagmumultahin naman ng P300 para sa 1st offense, P500 para sa second offense at P1,000 sa 3rd offense.— sa panulat ni Agustina Nolasco